PBBM, ikinatuwa ang naging pasiya ng MANIBELA at PISTON na tapusin na ang kanilang tigil- pasada
- Published on March 9, 2023
- by @peoplesbalita
LABIS na ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang naging desisyon ng dalawang transport groups na itigil na ang kanilang ikinasang tigil-pasada at hindi na paaabutin pa ito ng isang linggo.
Sa ipinalabas na kalatas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi nitong masaya ang gobyerno sa naging pasiyang MANIBELA at PISTON kasunod ng ginanap na pagpupulong sa Palasyo ng Malakanyang.
Magkakaharap sa nasabing pulong sina PCO Secretary Cheloy Garafil, Undersecretary Roy Cervantes ng Office of the Executive Secretary. PISTON President Mody Florada at Manibela Transport Group Chairman Mar Valbuena.
Sinabi ng PCO, binigyan ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr ang DOTr at LTFRB na pag- aralan ang mga probisyon ng Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines.
Ito ay para masiguro na maisaalang-alang ang bawat aspeto sa pagpapatupad ng jeepney modernization habang gusto rin naman aniya ng Chief Executive na mapakinggan ang mga hinaing ng mga driver at operator.
Bukod Dito ay inatasan din ng Punong Ehekutibo ang DOTr at ang LTFRB ng magsagawa ng malalim at malawakang konsultasyon para sa implementasyon ng Public utility modernization program na dito ay dapat aniyang pare- parehong makabenepisyo ang mga driver, operator lalong lalo na ang mga mananakay.
“Sa huli, iisa lamang ang layunin ng gobyerno at ng ating sektor ng pampublikong transportasyon—ang magbigay ng maayos, maginhawa, ligtas, at episyenteng serbisyo sa bawat pasahero,” ayon kay Garafil. (Daris Jose)