PBBM, ihahayag ang komposisyon, kapangyarihan ng independent commission sa susunod na 48 oras
- Published on September 10, 2025
- by @peoplesbalita
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ihahayag niya ang kapangyarihan at komposisyon ng independent commission, na titingin sa maanomalyang flood control projects, sa susunod na 48 oras.
Sinabi ito ng Pangulo sa press conference kasama ang Philippine media delegation sa Cambodia.
”Tomorrow or the day after, within the next 48 hours, I will already announce the powers that we are granting to the independent commission and the members of the independent commission,” aniya pa rin.
Sinabi pa ng Pangulo na mayroong suhestiyon na ang body ay mabigyan ng contempt powers maliban sa subpoena powers.
Ang Pangulo, nasa Cambodia para sa state visit, nauna nang sinabi na ang executive order (EO) ay ipalalabas, na lilikha ng isang independent commission na magi-imbestiga sa substandard, o dili kaya’y ghost flood control projects.
Tinuran pa niya na ang independent body ay ganap na hiwalay mula sa gobyerno, at binubuo ng mga abogado o mahistrado, imbestigador at isang forensic accountant na makakatrabaho ang lahat ng ahensiya ng gobyerno kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa aspeto ng imbestigasyon , at Commission on Audit (COA) para sa impormasyon.
Ang body ay mayroon ding recommendatory role, at inaasahan na magsusumite ng findings nito sa Department of Justice (DOJ) o sa Office of the Ombudsman para sa tamang paghahain ng kaso, ayon sa Pangulo.
( Daris Jose)