PBBM, IGINIIT NA BIGYAN NA NG HUSTISYA ANG MGA NAWAWALANG SABUNGERO – PALASYO
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pulisya at iba pang law enforcement agencies na ipatupad na ang batas sa kaso ng mga nawawalang sabungero, kabilang ang pag-aresto sa mga sangkot, upang matiyak na maipagkakaloob ang hustisya, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.
“Iyan naman lagi ang mandato nila, ng mga PNP at ating law enforcement agencies, alam nila iyan. Ang utos ng Pangulo, kung ano ang nasa batas ipatupad,” sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules.
“Kung nandiyan na ang warrant of arrest mas pabilisan ang pagtatrabaho para po mapanagot ang dapat na mapanagot,” dagdag pa ni Castro.
Sinabi ito ni Castro matapos naglabas ng arrest orders ang Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court laban sa mga indibidwal na nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa nasabing pagkawala ng mga sabungero.
Kabuuang 34 na sabungero ang naiulat na nawala mula 2021 hanggang 2022, at sinasabing may kaugnayan ang mga pagdukot sa match-fixing o pandaraya sa sabong.
Ilang indibidwal, kabilang ang mga pulis, ang una nang kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa iba’t ibang korte noong nakaraang Disyembre.
Isa sa mga suspek sa kaso ang nag-ugnay sa ilang kilalang personalidad sa pagdukot at pagpatay, at iginiit na itinapon ang mga bangkay ng mga biktima sa Taal Lake. ( Daris Jose)