• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, hindi pabor sa mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan

ISANG maikling ‘NO’ ang naging tugon nI Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese ambassador to the Philippines Jing Quan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi pabor si Pangulong Marcos sa mga panawagang ideklarang persona non grata si Ambassador Jing .
Wala namang ibinigay na paliwanag ang Malakanyang bilang katwiran sa naging sagot ng Pangulo.
Nauna rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na diplomasya pa rin ang paiiralin sa mga usaping panlabas ng bansa.
Babala pa ng DFA, ang ganitong hakbang ay may malalaking implikasyon, kabilang ang posibleng ganting aksyon reciprocal measures mula sa kabilang bansa, na maaaring makaapekto sa mas malawak na estratehikong interes ng Pilipinas.
Dahil dito, iginiit ng ahensiya na ang ganitong desisyon ay dapat pag-isipang mabuti at paghandaan ang mga magiging epekto nito sa hinaharap.
Samantala, nauna nang iginiit ng Malakanyang na ang pagdedeklara ng persona non grata laban sa mga opisyal ng Chinese Embassy ay isang “option of last resort”lamang.
Ani Castro, hindi dapat basta-basta ito ginagawa, sa gitna ng panukalang resolusyon sa Senado at Kongreso na naglalayong ideklarang hindi kanais-nais ang ilang Chinese diplomats dahil sa umano’y mga pahayag at kilos na itinuturing na hindi diplomatiko.
Binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang deklarasyon ng persona non grata ay isa sa pinakamabigat na hakbang sa diplomasya, pangalawa lamang sa pagbaba ng antas ng ugnayang diplomatiko. Aniya, ginagawa lamang ito kapag “seryosong nabasag” na ang relasyon ng dalawang bansa at wala nang ibang paraan upang maayos ito sa pamamagitan ng diplomasya. (Daris Jose)