• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, hindi kontra sa wage hike

HINDI kontra si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umento sa sahod.
Sa press briefing sa Malakanyang, hiningan kasi si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ng reaksyon sa pahayag ng Kabataan party-list na si Pangulong Marcos Marcos ang ‘pumatay’ sa panukalang batas na itaas ang sahod ng mga manggagawa ‘dahil pinaboran di umano nito ang ”rich boys club.”
”Diktador ba ang Pangulong Marcos Jr.? Hindi naman po. Hayaan na lang po muna natin ang usapin na ‘yan sa Kongreso at ang Pangulo naman po ay hindi tutol sa increased wage hike dahil ito po naman ay makakabuti sa mga manggagawa,” ayon kay Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na mayroong proseso na dapat sunduin sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.
Sa ulat, bigo ang Kongreso na aprubahan ang umento sa minimum wage earners sa pribadong sektor.
Ito ay makaraang hindi maisalang sa bicameral conference committee ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara para sa dagdag na sahod sa huling araw ng sesyon ng 19th Congress.
Ito ay nang magmatigas ang Kamara na hindi i-adopt ang ₱100 daily minimum wage hike bill na unang inaprubahan ng Senado.
Sa kanyang manifestation, inamin ng may-akda ng panukala sa Senado na si Sen. Migz Zubiri na nalulungkot siya para sa mga manggagawa pero ipinaalalang ginawa ng Senado ang lahat para ipaglaban ang kanilang karapatan para sa dagdag na sahod.
Patuloy aniyang ipinipilit ng Kamara ang ₱200 dagdag na sahod na alam namang hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo at kung ang Senado ang mag-a-adopt sa panukala ng mababang kapulungan tiyak na mave-veto lamang ito ng Pangulo.
Sinabi naman ni Senate Committee on Labor chairman Joel Villanueva na sa kabila ng pagpapahayag ng intensyon ng mga kongresista na ia-adopt ang bersyon ng Senado ay wala silang natanggap na komunikasyon mula sa Kamara hanggang sa huling oras ng sesyon.
Ipinaalala ni Villanueva na February 2024 nang kanilang aprubahan ang panukalang dagdag na sahod sa mga manggagawa dahil batid nilang kailangan ito ng mamamayan.
(Daris Jose)