PBBM, handang sumailalim sa lifestyle check — Malakanyang
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita
NAKAHANDA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa lifestyle check.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Binigyang diin ni Castro na ang lahat ng mga miyembro ng Ehekutibong sangay ng pamahalaan ay handa na isailalim ang kanilang sarili sa lifestyle checks.
“Lahat ng parte ng Ehekutibo ay ready for lifestyle check… lahat po ng ehekutibo ay ready, pati po ang Pangulo,” ayon kay Castro.
Nauna rito, hinamon nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list at Renee Louise Co ng Kabataan Party-list si Pangulong Marcos na magsilbing halimbawa at maunang sumailalim sa lifestyle check.
Ito’y sa kabila ng hayagang pagsuporta nila sa naging kautusan ng Pangulo.
Punto nina Tinio at Co, si Marcos ay mayroon ding bilyones na confidential and intelligence funds at may kontrol sa implementasyon buong budget.
Giit naman ni Representative Co, bukod kay PBBM ay dapat ding maunang sumalang ang mga Duterte sa lifestyle check.
Katwiran ni Co, hindi pwedeng mag-lifestyle check lang sa iba habang ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay nagtatago ng kanyang yaman at hindi transparent sa kanyang mga transaksyon.
Bukod sa dalawang kongresista, hinamon din ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros si Pangulong Marcos na manguna sa pagsasailalim sa lifestyle check sa gitna ng kontrobersiya at imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
iginiit ni Hontiveros na kung nag-utos ang Pangulo ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, nararapat lamang na magpakita siya ng halimbawa sa pamamagitan ng pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
(Daris Jose)