PBBM, gustong gamitin ang biofertilizers para pagaanin ang kalagayan ng mga magsasaka
- Published on March 3, 2023
- by @peoplesbalita
INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano ng kanyang administrasyon na pagamitin na ang mga magsasaka ng biofertilzer para mabawasan o hindi na umasa pa ang mga ito sa mga mamahalin at imported na petroleum-based fertilizers.
Sa isang video message na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Pangulo na ang mga magsasaka ay sasailalim sa pagsasanay sa kung paano ang tamang paggamit ng biofertilizers.
“We are totally dependent on petroleum-based fertilizer. Now, we are going to introduce biofertilizer to our farmers and teach them how to use it. And hopefully, this will ease our concerns when it comes to the supply of fertilizer. And we can fully control the availability of biofertilizer,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ang Biofertilizers ay natural fertilizers na binubuo ng living microorganisms. Ginagamit ito upang suportahan ang paglago ng halaman sa pamamagitan ng pagdaragdag ng nutrient supply sa lupa.
Winika pa ng Pangulo na ang biofertilizers ay gagamitin bilang alternatibo dahil sa mataas na presyo ng common fertilizers at alalahanin ng availability nito.
Aniya pa, nagpakita ng “promising” results ang ginawang trials ng DA sa biofertilizers.
“Kayang-kaya raw dito i-produce sa Pilipinas ‘yan. And furthermore, there are many technologies from UPLB (University of the Philippines – Los Baños), from the other SUCs (state universities and colleges), the agricultural colleges. Marami silang na-research, na-develop na technologies diyan sa biofertilizer,” aniya pa rin.
Magkagayon man, nilinaw naman ng Punong Ehekutibo na maaari pa ring gumamit ang mga magsasaka ng non-organic at petroleum-based fertilizers, lalo na ang urea.
“Now, there will still be a mix. Hindi mawawala ‘yung urea, hindi mawawala ‘yung mga non-organic. But we will lessen our dependence on importation when it comes to fertilizer supply,” aniya pa rin. (Daris Jose)