PBBM, ginamit ang appraisers para sa ‘mas malinaw, updated’ SALNl
- Published on November 20, 2025
- by @peoplesbalita
SINABI ng Malakanyang na isinama at ginamit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang professional appraisal sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para bigyan ang publiko ng mas maliwanag na larawan ng kasalukuyang value o halaga ng kanyang ari-arian.
Sa press briefing sa Malakanyang, ipinaliwanag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung bakit kinuha ni Pangulong Marcos ang Cuervo Appraisers Inc. para i- assess ang ari-arian ng Chief Executive.
“‘Di ba mas maganda kung makikita ninyo kung ano ‘yung value, ‘yung updated value ng mga properties — mas maganda, mas maliwanag, mas transparent,” ang sinabi ni Castro.
Winika pa ni Castro na ang pag-update sa halaga ng ari-arian ay makatutulong sa publiko na maintindihan kung magkano ang mga ari-arian ang halaga ngayon.
“Mas maganda ring makita ng taumbayan kung magkano na ‘yung value ng mga properties na dating na-acquire… So dapat i-declare rin,” anito.
Ang “appraised” value ay tumutukoy sa isang professional na nagtatantiya kung magkano ang halaga ng ari-arian ngayon, base sa market conditions at isinagawa ng qualified appraiser.
Nauna rito, hiniling ng Akbayan party-list sa Office of the Ombudsman ang paglabas ng Statement of Asset and Liabilities and Net Worth (SALN) nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr , Vice President Sara Duterte, dating Ombudsman Samuel Martires at ilang constitutional commission officials.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David na ito ay isang pagpapakita ng gobyerno na seryoso sila sa pagpapakita ng transparency at accountability.
Dagdag pa nito na mula ng maupo si Martires ay itinago nito ang SALN ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Maghahain sila ng pormal na kaso kapag naipasakamay na ng Ombudsman ang kanilang hinihingi.
Sa ulat, mayroong kabuuang yaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na P389 milyon.
Ito ay base sa inilabas niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth mula pa noong Disyembre 31, 2024.
Kasama rin na isinumite ng kaniyang SALN ang appraisal ng isang private firm na Cuervo Appraiser Inc na naglalagay ng kaniyang net worth na P1.375 bilyon.
Nangangahulugan nito na ang P389.57 milyon ay base sa panuntunan ng Civil Service Commission sa paghahain ng SALN habang ang P1.375-B ay base sa halaga mula sa appraisal ng Cuervo.
Kinabibilangan ng assets nito na P142.026-M na halaga ng 21 piraso na real estate property kasama rin an agricultural at residential land at ang personal pieces ng property na nagkakahalaga ng P247.332-M.
Ilan sa mga personal pag-aari ni Marcos ay ang cash na P38.7-M at investment na P134.192-M ganun din ang mga alahas, 12 sasakyan at paintings na nagkakahalaga ng P247.332-M.
Ilan sa mga sasakyan nito ay Mercedez-Benz Maybach na nagkakahalaga ng P10.5-M at 126 na paintings mula sa sikat na pintor kung saan ang pinakamahal ay P19-M.
Wala namang idineklara ang pangulo ng liabilities mula sa kaniyang 2024 SALN ganun din sa mga SALN niya na mula Hunyo 2022. ( Daris Jose)