• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, ginagalang ang impeachment process, nangakong magpapatuloy ang pamamahala- PCO

SINABI ng Malakanyang na ginagalang ni Pangulong Ferdsinadn Marcos Jr., ang paghahain ng impeachment complaint laban sa kanya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Para sa Malakanyang, ang nasabing hakbang ay bahagi ng demokratikong proseso sa ilalim ng Konstitusyon.
Sa isang kalatas, araw ng Lunes, Enero 19, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na kinikilala nito ang karapatan ng mga indibiduwal o grupo na maghain ng reklamo at nagpahayag ng kumpiyansa na ang Kongreso, bilang isang ‘coequal’ na sangay ng gobyerno, ay kikilos na may “katapatan, integridad at karangalan sa ‘rule of law’.”
Winika pa ng PCO na ang Pangulo ay “fully upholds the Constitution” at nananatiling kumpiyansa sa lakas ng democratic institutions ng bansa sa kabila ng reklamo laban sa kanya.
“The President fully upholds the Constitution and remains confident in the strength of our democratic institutions,” ang sinabi ng PCO.
Binigyang diin naman ng PCO na habang isinasagawa na ang constitutional processes, patuloy namang ginagawa ng Pangulo ang kanyang tungkulin at tinitiyak na ang government operations ay nananatiling walang-tigil.
“Public services remain uninterrupted, and the work of government stays focused on improving the lives of our people,” ang sinabi pa rin ng PCO.
Tinuran pa ng PCO na nananatiling committed ang administrasyon sa ‘stability, accountability, and good governance’ sa gitna ng political development.
“Our institutions are strong, our processes are clear, and the administration remains committed to the betterment of every Filipino,” ang pahayag ng Malakanyang.
Nauna rito, inihain na ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos sa Kamara kaunay sa umano’y pagkakasangkot niya sa 2025 corruption scheme kaugnay sa unprogrammed appropriations, at iba pang issues.
Isinumite ni Atty. Andre de Jesus ang reklamo ngayong umaga sa tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil.
Inindorso ang reklamo nina Deputy Minority Leader and Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Nisay.
Sa kanyang reklamo, tinukoy ni De Jesus ang mga sumusunod na grounds:
*Pag-utos sa pagdukot at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court

*Inakusahan niya si Marcos na drug addict, na nakakaapekto umano sa judgement at leadership ng pangulo

*Kabiguan umano nito na i-veto ang unprogrammed appropriations at ibang unconstitutional provisions sa General Appropriations Acts for 2023, 2024, 2025, at 2026

*Nakinabang umano sa kickbacks sa budget insertions at ghost flood control projects

*Pagtatakip umano sa mga tiwaling mga kaalyado nito sa pamamagitan ng pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)

*Paglabag umano sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa pagsuko kay Duterte sa ICC

*Sa ICI, sinabi ni De Jesus na ang lupon na nag-iimbestiga sa flood control controversy ay ginamit na kasangkapan para puntiryahin ang mga kalaban nila sa pulitika.
Idinagdag pa ni De Jesus na ang pagtanggi ni Marcos na direktang sagutin ang mga alegasyon ng paggamit ng iligal na droga, ay maaaring gamitin laban sa kanya.
Ayon sa kanya, hindi sumailalim si Marcos sa anomang pagsusuri o proseso para patunayan na hindi totoo ang alegasyon na siya ay adik o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Matatandaan na nitong buwan ng Nobyembre, sa isang rally ng religious group, sinabi ni Senator Imee Marcos na gumagamit ng iligal na droga ang kanyang kapatid na si Pangulong Marcos.
( Daris Jose)