PBBM, Cabinet tinalakay ang digital governance, pagpapagaan sa restriksyon
- Published on October 27, 2022
- by @peoplesbalita
NAKIPAGPULONG si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw ng Martes, Oktubre 25 sa kanyang gabinete upang talakayin ang pag-usad ng mga plano ng administrasyon, kabilang na ang pagpapabuti ng pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng digital na pamamaraan .
Sa Facebook post ng Office of the President (OPS) nakasaad dito na pinag-usapan din sa miting ang health protocols ng bansa pagdating sa pagbiyahe at ang panukalang gawing mas maluwag ang travel restrictions sa Pilipinas.
Inanunsyo ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ima-mandato ng gobyerno ang paggamit ng electronic arrival (eArrival) card, scan-and-go system sa mga paliparan sa bansa simula sa Nobyembre 1, ng taong kasalukuyan.
Simula rin sa Nobyembre 1, ire-require naman ng Bureau of Quarantine (BoQ) ang lahat ng inbound travelers na kumuha ng eArrival card sa loob ng 72 oras bago ang kanilang departure o pag-alis mula sa bansang kanilang pinanggalingan.
Ang mga arriving travelers ay maaaring kumuha ng eArrival card sa pamamagitan ng pagpunta lamang sa website na onehealthpass.com.ph o sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code na palatandaan sa poster na ipinalabas ng Department of Health (DOH).
Ang paggamit ng eArrival Card ay maaaring mas maging convenient sa pagbyahe sa bansa dahil aalisin nito ang hindi na kailangang impormasyon na makikita sa One Health Pass system.
Target naman ng gobyerno ng Pilipinas na gawin pang mas relax ang “stringent entry protocols” ng bansa para makapanghikayat ng mas maraming turista.
Sa kabilang dako, sa weekly vlog ng Pangulo na ipinalabas noong Oktubre 22, hinikayat nito ang mga filpino na galugarin ang kagandahan ng Pilipinas para lalong sumigla ang pagyabong ng ekonomiya ng bansa.
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na i-promote ang lokal na turismo para makalikha ng mas maraming economic activities sa bansa.
Nangako rin ito na ipagpapatuloy ang pagdalo sa promotional tourism activities sa mga lalawigan at gawin na mas accessible ang mas marami pang lalawigan para sa mga byahero.
Giit ng Pangulo, tuloy-tuloy ang gagawin niyang pagpo-promote sa Pilipinas bilang destinasyon na handang i-welcome ang mga local at foreign travelers. (Daris Jose)