PBBM, binisita ang flood-hit area, pinangunahan ang aid distribution sa bayan ng Rizal
- Published on July 24, 2025
- by @peoplesbalita
PERSONAL na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pamilyang labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa San Mateo, Rizal.
Sa kanyang naging pagbisita sa Maly Elementary School sa bayan ng San Mateo, tsinek ng Pangulo ang kondisyon ng mga residente na pansamantalang nanunuluyan sa evacuation site.
May kabuang 3,899 pamilya o 14,390 indibdwal, sa San Mateo, Rizal ang apektado ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising (international name Wipha) na pinalakas ng southwest monsoon o “habagat.”
Mayroon namang 546 pamilya, o 2,102 indibidwal, ang kasalukuyang nasa Maly Elementary School, may ilang lugar naman sa San Mateo ang lumubog sa tubig-baha dala ng patuloy na pag-ulan.
Sa kabilang dako, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanyang naging pagbisita sa Maly Elementary School.
Ang San Mateo ang inilagay sa ilalim ng state of calamity, habang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Samantala, nakatakda namang bisitahin ni Pangulong Marcos ang iba pang evacuation center sa nasabing bayan.
Pangungunahan din nito ang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council’s office sa Camp Aguinaldo, Quezon City para i- assess ang pinagsamang epekto ng Crising at southwest monsoon.
Ipinag-utos naman ng Pangulo ang pinag-isang pagtugon ng lahat ng kinauukulang ahensiya upang masiguro ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad.
Ipinag-utos din niya ang agarang deployment ng relief goods at medical teams, at paghahatid ng mahahalagang serbisyo gaya ng transportasyon, tubig, at electricity supply, lalo na sa mga binahang lugar. (Daris Jose)