Parking attendant, naaktuhan nagdodroga sa Valenzuela
- Published on August 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
BAGSAK sa kulungan ang isang parking attendant matapos maaktuhan na gumagamit umano ng iligal na droga sa Valenzuela City, Martes ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Russel”, 43, ng Brgy., Malanday.
Ayon kay Col. Talento, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Police Sub-Station 6 at ipinaalam sa kanila ng tumawag na madalas umanong may nagaganap na pot session sa isang makeshift shelter sa Mac Arthur Highway, Brgy., Malanday.
Kaagad namang nagsagawa ang mga tauhan ng SS6 ng validation sa nasabing lugar at naaktuhan nina PCpl Renz Marion Manalad at Pat John Michael Macalla ang suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng nasabing shelter dakong alas-5:15 ng hapon na dahilan ng pagkakaaresto sa kanya.
Nakumpiska nila sa suspek ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 12 at 15 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)