• April 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para palakasin ang ani ng mga magsasaka: PBBM, tinitingnan ang permanenteng ‘soil labs’ sa lahat ng rehiyon

ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang plano na magtatag ng permanenteng ‘soil laboratory’ sa bawat rehiyon bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na itaas ang ‘productivity at paghusayin ang ani ng agrikultura.’

Sa pagsasalita sa isinagawang dayalogo sa 50th Gawad Saka Awardees sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na maunawaan ang kondisyon ng lupa para gabayan ang interbensyon ng gobyerno at suporta sa sakahan.

“Para naman pagandahin pa ang inyong produksyon, nagdala kami dito… ‘yung labing-anim na mobile soil laboratory. Bawat region, magbibigay tayo. Magtatagal sa isang lugar tapos iikot para mapag-aralan kung ano ang pangangailangan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Aniya pa, ang mga mobile laboratories ay first phase lamang ng pinalawak na plano para permanenteng malagyan ng mga kailangang gamit ang mga rehiyon lalo na ang soil analysis facilities.

“Pero pagkatapos nitong mobile laboratory, maggagawa tayo ng permanent.Gusto naming maglagay ng permanent soil laboratorysa bawat region. Kaya ito, Phase 1 pa lang ito, ika nga,” aniya pa rin.

Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Pangulong Marcos at paghanga sa mga Gawad Saka awardees, inilarawan ang kanilang trabaho bilang mahalaga sa national development at food security.

“Maraming salamat sa inyong sakripisyo,” ayon sa Pangulo.

Samantala, may kabuuang 43 indibidwal at institusyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kinilala ngayong taon sa ilalim ng Gawad Saka program, ang Department of Agriculture ang nakatanggap ng pinakamataas na pagkilala para sa ‘excellence at innovation’ sa sektor ng pagsasaka at pangingisda. (Daris Jose)