• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para matiyak na walang akusado ang makalalabas ng bansa… Airports, seaports bantay sarado vs Atong Ang- PNP

BANTAY sarado na ang lahat ng airports at seaports sa bansa laban sa posibilidad ng paglabas ng bansa ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang kaugnay ng kaso ng missing sabu­ngeros.

Ayon kay PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., bukod sa pinaigting na koordinasyon sa immigration authorities, inilunsad din ang mga dedicated tracker team at intelligence units para matiyak na walang akusado ang makalalabas ng bansa habang may nakabinbing mga warrant of arrest.

Ani Nartatez, mas makabubuti kay Ang na sumuko na lamang dahil hindi mangingimi ang PNP na ipatupad ang pagsisilbi ng warrant of arrest.

Sa kabuuan, may 18 akusado sa kaso: 10 pulis, isang dating pulis (dismissed), at walong sibilyan, kabilang si Ang.
Naglabas ang Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna ng warrant of arrest laban kay Ang at sa ilan pang sangkot kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero. Si Ang ay nahaharap sa 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention, at apat na bilang ng kidnapping with homicide. ( Richard Mesa)