Para makatipid sa paggamit ng petrolyo: Suhestiyon na 4 day work week at WFH scheme, maaaring pag-aralan ni PBBM- Malakanyang
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
MAAARING pag-aralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang suhestiyon ni Sherwn Gatchalian na 4 day work week at Work From Home (WFH) scheme para makatipid sa paggamit ng petrolyo.
“Sa ngayon po ay maaaring pag-aralan po ng Pangulo ang ganyang suhestiyon lalo na kung magiging malala pa po ang nangyayaring Israel-Iran issue,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Sa ngayon po ay hindi pa po ito napag-uusapan,” ani Castro.
Sa ulat, iminungkahi ni Gatchalian ang 4 day work week at WFH scheme para makatipid sa petrolyo bilang tugon sa naging panawagan ng Pangulo sa mga tanggapan ng gobyerno na magtipid sa paggamit ng enerhiya.
Para kay Gatchalian, ‘immediate solution’ ang 4-day work week at WFH scheme sa gitna ng nakaambang na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na Middle East crisis.
Sa halip aniya na 5 araw sa kalsada ay 4 na araw na lamang sa kumpanya at work from home para hindi aniya lalabas ng kalsada.
“Kasi once na lumabas ka.. gastos sa petrolyo un eh,” ayon sa senador.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya sa gitna ng nangyayaring kaguluhan sa Middle East.
Ayon sa Pangulo, inatasan niya ang lahat ng tanggapan ng gobyerno para gumawa ng hakbang para magtipid sa enerhiya.
“Maghanap tayo ng paraan para mabawasan ang ating paggamit ng lahat ng mga sources of energy natin,” saad pa ni Pangulong Marcos.
Bagama’t sapat naman aniya ang supply ng langis sa ngayon ay dapat na rin itong gawin ngayon para mabawasan ang pagbayad dahil sa tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
‘Yung mga unnecessary travel, ‘yung mga carpooling, ‘yung mga bagay-bagay na ganyan. These are things that the general public can do,” pahayag pa ng Presidente.
Hinikayat din ni Marcos ang publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon habang ang mga pribadong sasakyan ay dapat punuin ang mga sakay at hindi lang iisang tao ang gumagamit.
Ang kanyang panawagan aniya ay hindi lang para sa mga ahensiya ng gobyerno kundi maging sa taumbayan. ( Daris Jose)