Para makatipid sa enerhiya: DepEd, ipatutupad ang 4-day onsite workweek at WFH tuwing Biyernes
- Published on March 10, 2026
- by @peoplesbalita
NEWS 2 INATASAN na ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng tanggapan nito sa buong bansa na i-adopt ang four-day onsite work arrangement mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang araw ng Biyernes naman ay work-from-home (WFH) day, bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na magtipid sa paggamit ng enerhiya at bawasan ang fuel consumption.
Ipinalabas ang polisiya sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 018, series of 2026, tinintahan ni Education Secretary Sonny Angara, araw ng Linggo, Marso 8.
Sa ilalim ng direktiba, ang bagong work setup ay magsisimula ngayong araw ng Lunes, Marso 9 at mananatiling ipatutupad hangga’t hindi binabawi ng Office of the President (OP).
Tinuran ng Education Department na ang nasabing hakbang ay pagpapatupad sa Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Office of the President of the Philippines, inaatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na i-adopt ang energy conservation protocols at flexible work arrangements sa gitna ng tumataas na presyo ng fuel na iniuugnay sa global geopolitical tensions.
Sa kabilang dako, nilinaw ng DepEd na hindi ia-apply ang WFH arrangement sa mga non-teaching at kaugnay na teaching personnel, kabilang na ang contract-of-service at job-order employees.
Gayunman, patuloy namang susundin ng teaching personnel ang umiiral na class schedules at school arrangements upang matiyak na magpapatuloy ang pagdaraos ng klase at end-of-school-year activities.
Samantala, maliban sa tinatawag na flexible work setup, ipinag-utos sa mga tanggapan ng DepEd na magpatupad ng serye ng energy conservation protocols na naglalayon na bawasan ang paggamit ng kuryente at fuel consumption ng 10 hanggang 20 porsiyento.
Kabilang sa mga kinakailangang hakbang ay ang pagpapanatili sa 24°C ng air-conditioning thermostat, pag-activate sa sleep settings sa office equipment, pag-turn off sa mga hindi kinakailangang ilaw at electronic devices sa panahon ng lunch breaks at pagkatapos ng office hours, pagbabawas sa paggamit ng elevator sa pamamagitan ng paghikayat sa mga tauhan na gumamit na lamang ng hagdan.
Ipinag-utos din ng memorandum na ang mga inter-agency meetings, consultations, at conferences ay gawin ‘virtually’, gawin lamanga ng physical meetings kung maituturing itong kinakailangan.
Ipinag-utos din ng departamento sa mga tanggapan nito na bumiyahe lamang kung kinakailangan at may mahalagang tungkulin lalo na kung layunin nito ay hindi epektibong makakamit sa pamamagitan ng virtual meetings o electronic communication.
Sa kabilang dako, para bawasan naman ang fuel consumption sa government transport, ang mga tanggapan ay dapat na i- adopt ang fleet-efficiency measures gaya ng:
pagsasama-sama o pag-isahin na lamang ang mga official trips, pag-optimize sa travel routes at iskedyul
pagbabawas sa engine idling, paggamit ng “full-tank method” para sa fuel monitoring
Samantala, sa kabila ng WFH arrangement, sinabi ng DepEd na ang government services ay dapat na manatiling nagpapatuloy, episyente at hindi naaabala lalo na para sa mga frontline offices.
Ang mag pinuno ng tanggapan ay inatasan na magtatag ng mekanismo para tiyakin na ang mga kliyente at stakeholders ay maaari pa ring magsumite ng kanilang requests at makapagtanong sa pamamagitan ng official communication channels.
Binigyang diin naman ng departamento na ang implementasyon ng work arrangement ay dapat na alinsunod sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, kung saan kinakailangan na mapanatili ng mga ahensiya ang zero backlog sa frontline at non-frontline services.
Ang attendance at performance ng mga tauhan na nagta-trabaho sa malayo ay imo-monitor sa pamamagitan ng Daily Time Records, individual daily logs, at accomplishment reports, subject naman ito sa pag-apruba ng immediate supervisors.
( Daris Jose)