• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para maikasa ang distribution sa lalong madaling panahon… Tiniyak na may fuel subsidy ang gobyerno sa transport, agriculture – Sen Tulfo

NAKIPAG-UGNAYAN si Sen. Raffy Tulfo sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), Department of Energy (DOE), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Department of Agriculture (DA), bilang Chairman ng Senate Committee on Public Services, upang personal na matutukan ang mga programang tutugon sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa agricultural at transport sector dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Sen. Raffy, kritikal na panahon ito upang makapaglatag agad ng maayos na sistema para maikasa ang distribution ng fuel subsidies sa lalong madaling panahon para sa mga magsasaka, mangingisda at mga public utility drivers/riders.
Binigyang-diin ni Sen. Tulfo na mahalagang matiyak ang mga ito upang maagapan at masuportahan agad ang hanapbuhay ng mga manggagawa sa nasabing mga sektor lalo pa’t wala pa ring kasiguraduhan ang paghupa ng tensyon sa Middle East.
Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary Jojo Reyes, may nakahanda silang P2.5 billion fuel subsidy funds na paghahati-hatian ng DILG na makakakuha ng 33.9% o P832 million para sa mga tricycle operators and drivers associations (TODAs), 11.01% o P270 million sa DICT para sa mga delivery riders at 55% o P1.3 billion sa LTFRB para sa public utility vehicle (PUV) drivers.
Kung kakalkulahin, inaasahang makakatanggap ng P1,150 per unit ang tricycle drivers, P1,800 ang delivery riders, P10,500 kada drayber ng modernized jeepney at P4,500 – P5,000 sa traditional jeepneys at iba pa.

Iniulat naman ni DA Usec. Roger Navarro na may nakahanda raw silang P100 million para sa mga magsasaka, na ayon kay Sen. Tulfo ay hindi katanggap-tanggap at dapat pang madagdagan.
Sa ayuda sa mga mangingisda, sinabi ni BFAR National Director Elizer Salilig na bagaman may nakadeposito silang P50 million sa Development Bank of the Philippines (DBP), hindi nila ito magagamit bilang fuel subsidy dahil sa matagal na panahon ay hindi pa rin sila sinasagot ng DBP para maglabas ito ng supplemental agreement para maipamahagi na ang nasabing pondo para sa mga mangingisda.
(Daris Jose)