Para amyendahan ang Biofuels Act, PBBM sinertipikahang urgent bill
- Published on March 17, 2026
- by @peoplesbalita
SINERTIPIKAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang isang panukalang batas o Senate Bill 1965 na naglalayong amiyendahan ang Biofuels Act of 2006.
Sa isang liham sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na may petsang Marso 16, sinabi ni Pangulong Marcos na ang urgent certification ay naglalayong pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng fuel sa gitna ng umiigting na geopolitical tensions at volatility sa global oil markets.
“The measure also seeks to strengthen the country’s resilience against future disruptions to energy supply,” ayon sa Pangulo.
Ipinag-uutos kasi ng Republic Act 9367 o Biofuels Act of 2006 ang paggamit ng locally sourced bioethanol sa fuel blends para bawasan ang pagsandal ng bansa sa imported fuel products.
Nauna nang sinabi ng The Philippine Biodiesel Association (TPBA) na ang batas ay nananatiling ‘most reliable defense’ ng bansa laban sa tinatawag na ‘inherent vulnerability’ sa imported fuels.
Samantala, hinikayat naman ng grupo ang mga mambabatas na palakasin ang kasalukuyang polisiya ng orihinal na batas, sa halip na suspendihin ito. (Daris Jose)