Panukalang trials ng face-to-face classes, tinanggihan ni PDu30
- Published on February 23, 2021
- by @peoplesbalita
TINANGGIHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang panukalang trials ng face-to-face classes.
“Nagdesisyon na ang Presidente ha: wala pa rin po tayong face-to-face classes sa bansa,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sinabi ni Sec. Roque na sinabi sa kanya ng Pangulo nang magkausap sila kagabi na ayaw nitong malagay sa panganib ang buhay ng mga estudyante at mga guro lalo pa’t hindi pa nagsisimula ang vaccination drive ng pamahalaan.
“Sabi niya, may awa ang Panginoon, baka naman po pagkatapos nating malunsad ang ating vaccination program ay pupuwede na tayong mag-face-to-face (classes) sa Agosto lalong-lalo na sa mga lugar na mababa ang COVID cases,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Noong nakaraang Disyembre ay inaprubaan ng Chief Executive ang pilot implementation ng face-to-face classes na magsisimula sana nitong Enero 2021 sa mga eskuwelahan na nasa lugar na low-risk para sa COVID-19.
Iyon nga lamang ay ilang araw lamang ang nakalipas ay binawi niya ang pahayag niyang ito dahil sa bansa ng bagong variant ng Covid -19 sa United Kingdom at napaulat na ito ay mas nakahahawa.
Dahil dito, ipinagbawal ni Pangulong Duterte ang face-to-face classes dahil na rin sa kawalan pa ng bakuna laban sa COVID-19.
Ang Basic Education classes ay magpapatuloy naman sa Oktubre sa ilalim ng blended learning. (Daris Jose)