Panukalang P200 daily wage increase, dapat ipasa na bago magtapos ang ika-19th Congressional
- Published on June 3, 2025
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na agad nang ipasa ang panukalang P200 daily wage increase sa private sector workers sa ikatlo at huling pagbasa bago mag-adjourned ang 19th Congress.“Mahalagang itulak natin ang Kongreso na agad na isabatas ang P200 na umento sa sahod ng mga manggagawa lalo na sa panahong walang ampat ang pagtaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Bagama’t malayo pa rin sa disente at nakabubuhay na sahod, malaking bagay ito sa pamilyang Pilipino na lubhang tinatamaan ng ekonomikong krisis. Kasabay nito ay patuloy nating itutulak ang pagsasabatas ng P1,200 national minimum wage at pagbubuwag ng regional wage board,” paliwanag ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson.
Sa kabila na tinanggap nila ang panukalang dagdag umento sa sahod, sinabi nito na kapos pa rin ang P200 kada araw na increase para sa mga minimum wage earners.
Ang kasalukuyang minimum wage ranges ay mula P361 hanggang P645 across regions at sa kabila ng dagdag umento ay mababa pa rin ito.
Habang suportado ng grupo ang agarang pagpasa ng panukalang wage hike bill, iginiit nito ang panukalang P50,000 entry-level pay para sa mga guro, P33,000 basic pay para sa SG1 employees at SG16 para sa Instructor 1 sa state universities and colleges.
(Vina de Guzman)