Panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital, itinutulak na aprubahan ng Kamara
- Published on February 23, 2026
- by @peoplesbalita
ITINUTULAK ni Leyte Rep. Martin Romualdez na aprubahan ng Kamara ang panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital.
Ayon kay Romualdez, ang pagtatatag ng OFW hospital ay pagbibigay pugay sa mga sakripisyo ng mga OFW at ang kahalagahan na pangalagaan ang kanilang kalusugan.
“Dala ng ating mga OFW ang ekonomiya ng bansa. Eto (pagtatag ng OFW hospital) ay isang paraan para kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating bansa ay siguruhin na sila at ang kanilang mga kaanak at pamilya ay mayroong de-kalidad na healthcare,” sinabi ni Romualdez.
“And we can do this through the establishment of an OFW Hospital. Isang institusyong tututok sa ating mga OFWs, mula sa kanilang pangangailangan bago umalis, sa pangangailangang pangkalusugan ng kanilang pamilya, at sa kanilang medical needs pagdating muli sa ating bansa,” dagdag ng mambabatas.
Ang House Bill (HB) No. 7227 o OFW Hospital Act, ay pinanukala ni Romualdez kasama si Tingog party list Rep. Jude A. Acidre. Nais ng dalawang mambabatas na magtaguyod ng OFW Hospital bilang Level III hospital sa San Fernando, Pampanga na direktang nasa kontrol at superbisyon ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang nasabing ospital ay pangunahing seserbisyuhan ang mga OFWs maging ang kanilang mga dependents, batay sa policy direction na nakasaad sa Executive Order (EO) No. 154, na nagatataguyod ng OFW Hospital at suporta mula sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa HB No. 7227, ang OFW Hospital ay dinisenyo bilang isang full-service facility na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga migrant workers bago ang kanilang deployment sa abroad, pagbibigay ng komprehensibong healthcare services sa mga OFWs, kabilang ang mga contributors ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa panig ni Acidre, ang panukalang pagtatayo ng OFW Hospital ay isang sistema ng pangagalaga ng gobyerno sa kapakanan ng mga OFWs.
“This is a long-term and permanent service to all of our OFWs and their families. Sa laki ng kontribusyon nila sa ating bansa at ekonomiya, kulang pa itong kapalit. But it is really a very good start if we want to honor our heroes,” sinabi ni Acidre.
(Vina de Guzman)