• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panukalang 7432 o “No Work, No Pay for Members of Congress Act”, suportado ni Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah “Eli” San Fernando

SUPORTADO ni Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang panukalang 7432 o “No Work, No Pay for Members of Congress Act”.

Ayon sa mambabatas, kung ang isang ordinaryong manggagawa ay hindi pumasok ay otomatikong walang sahod.

Kapag na-late naman aniya ay makakaltasan ang mga ito at pag nag-OT (overtime), kadalasan walang OT pay.

“Bakit kapag Members of Congress umabsent, na-late, o hindi nagrereport sa opisina e buo pa ring nakukuha ang sahod at benepisyo? What makes us so special? Dapat i-apply ang nararanasan ng ordinaryong manggagawa sa mga halal na opisyal,” anang mambabatas.

Ito ang dahilan aniya kung bakit binibigyan ng buong suporta ng Kamanggagawa ang HB 7432 na inihain ni Majority Leader Sandro Marcos.

Inihayag nito na isang napakalaking bagay na ang presidential son at majority floor leader ang nagpanukala ng batas.

“At this point in time where our institution is beleaguered, this move sends a message to ordinary Filipino workers that we are serious in bringing reforms from within our ranks. Ang suweldo namin ay galing sa buwis ng taumbayan, kaya dapat lang na may kapalit itong aktwal na trabaho at presensya,” saad nito.

Dagdag ng mambabatas, kung gustong maibalik ang tiwala ng tao sa Kongreso ay kailangan nilang ipakita na hindi sila exempted sa pamantayang sinusunod ng karaniwang manggagawa.

“Wala akong nakikitang rason na hindi ito suportahan ng mga kasamahan sa Kongreso.
Mga kasama, pumasok at magtrabaho po tayo!” pagtatapos ni San Fernando.
(Vina de Guzman)