Panukalang 2026 budget ng DPWH, isasailalim sa 2-week review
- Published on September 5, 2025
- by @peoplesbalita


Nagpulong sina Pangandaman at Dizon, kasunod ng “unprecedented” na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na muling suriin ang DPWH budget sa 2026 National Expenditure Program sa gitna ng alalahanin ukol sa di umano’y ‘inconsistencies at double entry’ ng mga proyekto.
Sa isang press conference matapos ang pagpupulong sa DBM central office sa San Miguel, Manila, tinanggap ni Dizon ang pinakabagong kautusan mula sa Pangulo, kahit pa aniya hindi siya pamilyar sa pagpoproseso ng budget allocation para sa libo-libong proyekto sa ilalim ng DPWH
Ani Dizon, ang spending plan ng DPWH para sa 2026 ay binubuo ng 700 pahina.
“Tingin ko lang kailangan meron itong deadline kasi limitado ang ating oras. Importanteng mapasa natin itong budget na ito. Hindi lang ito budget ng DPWH kundi budget ng buong gobyerno,” ang sinabi ni Dizon.
“Nag-usap kami ni Sec. Minah. We both agreed on a two-week timeline. Dalawang lingo maximum. Pwedeng mas maigsi. Kailangan lang syempre, pagtrabahuan natin itong maigi,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Dizon na sisimulan na ng DBM at DPWH ang pagrerebisa sa mga proyekto na pinuna ng Kongreso.
Nauna rito, i nirekumenda ng mga major party leaders sa House of Representatives na kanilang ibabalik ang 2026 National Expenditure Program (NEP) sa Department of Budget and Management (DBM).
Batay sa isinagawang pag rebyu ng House Leaders sa NEP kanilang nadiskubri ang seryoso at sistematikong anomalya sa 2026 NEP partikular sa DPWH, DILG, PNP at DA.
Ayon kay Deputy Speaker at Antipolo Representative Ronaldo Puno na hindi nila magawang simulan ang deliberasyon kung nababalot sa anomalya at mga kwestiyunableng budget allocations ang 2026 national budget.
Sinabi ni Puno kabilang sa kanilang mga natuklasan mga flood control projects with identical amounts, Double appropriations, Oversized lump sum nationwide allocations under DPWH, Reports of unsolicited proposals for billions worth of firearms sa ilalim ng DILG/ PNP, Reports of allocation for sale scheme sa budget ng DA para sa farm to market roads.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangandaman na ang gagawing pagrerebisa sa panukalang budget ng DPWH para sa 2026 ay matatapos bago pa ang two-week deadline.
“Ipapadala natin sa kanila ‘yung bagong listahan, ‘yung mga changes na mangyayari doon. Sa tingin po namin mas madali yan na proseso at procedure kaysa magbalikan tayong ganyan. Kasi never pa po siya nangyari,” ang sinabi ng Kalihim.
Winika ni Pangandaman na ang panukalang budget ng DPWH ay maaaring bumaba, depende sa resulta ng review.
Habang handa naman ang DBM sa reenacted budget, ang departamento at ang buong executive branch ay “very much willing” na makatrabaho ang Kongreso para tugunan ang mga usapin na may kinalaman sa spending plan ng DPWH para sa 2026.
“Dito naman sa DBM, ready. I think ginagawa na nila ang guidelines, assuming na magkaroon tayo ng reenacted budget. Pero syempre, ‘di ba nga sinabi natin na ‘yung reenacted budget magko-cause ng downturn ng ating ekonomiya especially now na nakikita ‘yung malaking kontribusyon ng budget sa ekonomiya,” aniya pa rin sabay sabing “Ayaw naman nating mawala ‘yun with what’s happening with the world. Ayaw naman nating masira ang trajectory natin. Mabilis ang andar ng ekonomiya natin. Gusto pa nating bumilis, lalo na itong last three years ng administrasyon at ng ating Pangulong Bongbong Marcos.” ( Daris Jose)