Pangit na serbisyo ng mga electric cooperatives, resulta ng agkalugi at pagsasara ng negosyo
- Published on March 22, 2025
- by @peoplesbalita
NAUWI sa pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo sa mga tourism hubs ng bansa ang naging epekto dulot ng pangit na serbisyo ng mga electric cooperatives.
Ito ang lumalabas na konklusyon sa isinagawang focus group discussion (FGD) ng energy group na ILAW hinggil sa kinakaharap ng mga negosyante sa isla ng Samal, Siargao, Cebu at Puerto Gallera.
Ayon kina ILAW national convenor Beng Garcia at youth convenor Francine Pradez ang palpak na serbisyo ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) sa IGACOS, Siargao Electric Cooperative (SIARELCO) sa Siargao, Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) sa Puerto Galera ay resulta sa pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo sa tourism hubs ng bansa dahil sa madalas na blackout, hindi sapat na supply ng kuryente at mabagal na pagtugon sa mga reklamo.
Nanawagan naman ang ILAW sa mga electric cooperative na pagbutihin ang kanilang serbisyo at tiyaking maaasahan ang suplay ng kuryente, lalo na sa mga tourism hub na nakadepende sa maayos na daloy ng kuryente.
Hinikayat din ng ILAW ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa mga electric cooperative sa mga tourism hub.Iminungkahi rin ng grupo ang pagpapataw ng parusa para sa kapalpakan sa serbisyo at pagpapatupad ng mandatory compensation policies upang maprotektahan ang mga apektadong negosyo.
Bilang solusyon, Inirekomenda ng ILAW ang pamumuhunan sa renewable energy para sa mas matatag na suplay ng kuryente at pagbuo ng community microgrids at energy storage systems bilang solusyon. (Gene Adsuara)