panawagan ng Malakanyang sa MILF, bigyan ng pagkakataon ang bagong liderato ng BARMM
- Published on March 19, 2025
- by @peoplesbalita

”Sinabi naman po ‘nung mga tao na umatend po doon sa MILF Consultative Assembly na mayroon pong prerogative ang Pangulo na mag-appoint po ng interim Chief Minister,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”Sa ngayon po, bagong-bago po, ang hiling po sana natin sa pamunuan po ng MILF ay bigyan po muna ng chance, kapag po hindi naging maayos ang magiging pamumuno po ng bagong na-appoint na ICM, maaari po nating pag-usapan muli ito para po sa ikakaganda ng nasabi poong Bangsamoro, MILF,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, nagpahayag ng pagkabahala ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa magiging pagbabago sa liderato at pagiging kasapi ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), kabilang na ang appointment ni Macacua bilang bagong interim chief minister ng BARMM.
Nauna rito, nagpalabas ng kalatas ang MILF central committee nitong weekend matapos magdaos ng consultative assembly kung saan tinalakay ang kamakailan lamang na leadership change at ang “dire impact” nito sa implementasyon Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sinabi pa ng komite na 35 mula sa 41 pangalan na pormal na inendorso ng MILF ang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang magpapahina sa Seksyon 2, Article XVI ng Bangsamoro Organic Law.
Matatandaan, kinumpirma ng Malakanyang ang pagkakatalaga kay Macacua—nagsilbi rin bilang Maguindanao del Norte OIC governor—noong Marso 9. Pinangasiwaan naman ni Pangulong Marcos ang oath of office ni Macacua noong Marso 13.
Samantala, binigyang diin ng Pangulo na ang pagkakatalaga kay Macacua bilang bagong BARMM interim chief minister ay mahalaga para sa pagpapatuloy ng pag-unlad sa rehiyon. ( Daris Jose)