Panawagan kay VP Sara Duterte, direktang sagutin ang lahat ng alegasyon sa kanya sa pagdinig
- Published on April 15, 2026
- by @peoplesbalita
MULING nanawagan ang chairperson ng House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte na direktang sagutin ang alegasyon laban sa kanya, dahil karapatan ng publiko na makakuha ng sagot at hindi legal maneuvering.
Sinabi ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na ang pagdinig ay upang harapin ang mga hindi pa nareresolbang isyu kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at iba pang alegasyon sa reklamo.
“Kung may sagot—ilabas na. Kung may paliwanag—ibigay na. “Tandaan natin: may mga akusasyon dito na hindi naman bago. Last year pa ito, ngunit ano ang ginawa ng Bise Presidente? Umiwas. Nagtago sa mga teknikalidad,” pahayag nito.
Iginiit pa nito na habang may nakahaing petisyon sa Supreme Court, nabigo naman ito na sagutin ang sentro ng akusasyon,
“Sa pagkahaba-haba ng mga ito, wala ni isa ang sumagot sa mga importanteng akusasyon laban sa Bise Presidente. Puro technicalities lamang ang tinalakay. Ang taumbayan ay naghahanap ng sagot, hindi ng papel.”
Nilinaw pa nito na itutuloy pa rin ng Kamara ang constitutional mandate na idetermina kung mayroong probable cause.
“Ang ginagawa natin dito ay hindi trial. Ang tanong lang natin: May sapat bang batayan para umusad ang proseso?”
“This is merely the beginning—not the end—of accountability.” Mas makabubuti pa nga na harapin na ito ngayon kaysa patagalin—para makapag-focus na tayo sa ibang mahahalagang usapin,” pahayag pa ni Luistro.
Hinamon pa ni Luistro ang bise presidente na harapin ang pagdinig ng ‘head-on’ sa halip na mag-isyu ng statements sa labas ng pormal na proseso.
“But if it is clarity that is sought—bakit hindi dito? Dito na ang clarificatory hearing. Dito dapat magpaliwanag. Hindi sapat ang sabihing handa. Kailangan magpakita. Kailangan sumagot.”
(Vina de Guzman)