• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pananahimik ng mga senatorial candidates sa isyu ng Chinese espionage, kinuwestiyon

NAGPAHAYAG nang pagkabahala si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales sa kakulangan o kawalan ng tugon mula sa ilang mga senatorial candidates kaugnay sa lumalaking banta ng Chinese espionage sa Pilipinas.

 

Reaksyon ito ng mambabatas kasunod nang pagkakaaresto ng pinagsususpetsahang dayuhang espiya na nagsasagawa ng surveillance sa olang kritical na government at military sites.

 

Ayon kay Khonghun, chairman ng House Special Committee on Bases Conversion, dapat maging top priority ang usapin ng national security lalo na sa mga kakandidatong senador, kasabay na rin ng lumalaking ebidensiya ng intelligence-gathering operations na iniuugnay sa China.

 

“Napakalaking isyu ng pambansang seguridad, pero bakit tila walang gustong magsalita? Ang Senado ang may tungkulin sa paggawa ng mga batas na magpapalakas sa ating depensa. Dapat marinig natin kung ano ang plano nila para sa ating kaligtasan,” ani Khonghun.

 

Kamakailan lamang ay binuwag ng otoridad ang umano’y espionage ring na nago-operate sa bansa.

Sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ay nadiskubre ang ginagawang surveillance activities sa ilang matataas na sensitibong lokasyon kabilang na ang Malacañang, Armed Forces of the Philippines (AFP) headquarters, at Philippine National Police (PNP) compound.

 

Kabilang sa mga naaresto ay dalawang Chinese nationals na nakuhanan ng advanced surveillance equipment na kayang harangan ang mobile communications.

 

Nitong Enero, isa pang grupo ng Chinese nationals ang nahuling minomonitor ang Philippine Coast Guard at Navy operations sa Palawan.

 

Nadiskubre ng mga imbestigador ang high-resolution, solar-powered cameras na nakalagay malapit sa maritime security areas.

 

“Hindi natin pwedeng ipagwalang-bahala ang ganitong mga insidente. Kung patuloy natin itong babalewalain, paano natin maipagtatanggol ang ating bansa?” pahayag ni Khonghun.

(Vina de Guzman)