PANALANGIN PARA KAY SANTO PAPA
- Published on June 17, 2022
- by @peoplesbalita
HUMINGI ng panalangin si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa mga mananampalataya para sa kalusugan ng Santo Papa.
Sinabi ng lider ng Simbahan na ang problema sa ‘tuhod’ ng Papa ay nagresulta sa kanselasyon ng kamakailan niyang pakikipag-ugnayan.
“Let us pray for Pope Francis, especially during this time. Because of his knee that has been causing a lot of pain and difficulty, he postponed some of his activities,” sabi ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Nauna nang ipinagpaliban ng Vatican ang Apostolic trip ni Pope Francis sa South Sudan at Congo noong Hulyo 2 hanggang 7 kasunod ng payo ng kanyang mga doktor.
Sinabi rin ng Holy See Press Office na kailangang laktawan ni Pope Francis ang Corpus Christi Mass at Procession dahil sa kanyang kondisyon. Nakatakdang ipagdiwang ng Simbahang Romano Katoliko ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo (Corpus Christi) sa Linggo, Hunyo 19.
Ang Kanyang Kabanalan ay dating namumuno sa Corpus Christi Mass at Procession sa Basilica of Saint John Lateran na sinundan ng prusisyon patungo sa Basilica of St. Mary Major. (GENE ADSUARA)