PAMUMUNO NI PBBM, HINDI NATITINAG SA PANINIRA – GOITIA
- Published on September 26, 2025
- by @peoplesbalita
KINONDENA ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang isang foreign social media post na lantarang lumait kay Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may “low IQ.”
Sinabi ni Goitia na ito ay desperadong pagtatangka na siraan ang isang lider na matatag na nakatindig para ipaglaban ang sambayanang Pilipino at isa ring malinaw na propaganda.
Ayon kay Goitia, ang sukatan ng talino ay hindi nakasalalay sa mga banyagang nagtatago sa likod ng kanilang mga screen kundi ito ay nakikita sa mga nagiging bunga at sa pamumuno ni Marcos ay muling naibalik ang respeto ng mundo sa Pilipinas at mas pinalakas ang ating tinig sa mga usaping pandaigdig. Iyan ang tatak ng isang marunong at matatag na pinuno.
Inginuso ni Goitia ang pagkukunwari ng dayuhan na kunwari’y nagmamalasakit sa katarungan, subalit ang totoo ay bulag naman sa sariling pagsalungat.
Ayon kay Goitia, ipinagtanggol ni PBBM ang West Philippine Sea (WPS) na walang idinadawit sa mga padalus-dalos na digmaan at pinalakas din niya ang mga alyansa nang hindi isinusuko ang ating soberanya.
Itinanggi rin ni Goitia ang paratang na palpak ang Pangulo sa ekonomiya pero patunay dito ang patuloy na pagdami ng foreign investments, muling pag-angat ng turismo, at naitatag ang pundasyong kailangan para sa matibay na kinabukasan at may malinaw na direksyon.
“Alam ng sambayanang Pilipino kung sino ang tunay na lumalaban para sa kanila. At walang anumang paninira mula sa labas ang makakapagbura sa katotohanang si Presidente Marcos ay tapat na naglilingkod para sa kinabukasan ng ating bayan,” ayon kay Goitia
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon kabilang ang ABKD, PADER, LIPI, at FDNY. (Gene Adsuara)