Paliwanag ni Tiangco sa pagboto ng “Yes” sa 2026 GAB
- Published on October 16, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng kanyang paliwanag si Navotas Representative Toby Tiangco kaugnay sa pagboto niya ng “Yes” sa naaprubahang 2026 General Appropriations Bill (GAB), alinsunod aniya sa ilang mga pahayag at mga kondisyon.
“Isa po dito ay ang ating paglilinaw na tayo ang unang-unang lumaban at nagsabing dapat buwagin ang Small Committee at pagkatapos ma-approve ang House General Appropriations Bill (HGAB) sa pangalawang reading ay wala nang babaguhin dito,” paliwanag ni Tiangco.
“Ipinaglaban natin sa Committee on Appropriations ang pagtalakay ng individual amendments. Hindi po natin sila tinantanan hanggang sila’y pumayag kaya po nabuo ang Budget Amendment Review Sub-Committee na tumalakay sa mga individual amendments bago pa man ang approval sa pangalawang reading para masiguro na wala nang babaguhin pagkatapos ng 2nd reading’, dagdag niya.
Lininaw din ng mambabatas sa Committee on Appropriations na ang kanyang pagboto ng “Yes” ay alinsunod sa kanilang pagunawa at pangako na ang P150 Million na budget para sa construction ng Multi-Purpose Building at Bangkulasi Senior High School at P150 Million budget para sa pagtayo ng Multi-Purpose Building at Navotas Science High School Phase 1 ay maisama sa lump-sum construction budget ng school buildings sa Department of Education.
Hinikayat rin niya ang komite na ipakita sa official website ng House of Representatives ang total budget ng DPWH para sa bawat congressional district at para sa bawat party list sa 2026 HGAB.
“Ipakita natin sa taumbayan na wala tayong itinatago. Dapat alam nila kung magkano ang budget para sa kanilang Distrito mula sa buwis na kanilang binayaran. Dahil sa dulo, ang pondo ng bayan ay dapat gamitin nang tapat, malinaw, at para sa kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino,” pagdidiin ni Tiangco. (Richard Mesa)