Palasyo nangatwiran sa naudlot na fuel subsidy
- Published on June 30, 2025
- by @peoplesbalita
DAHIL umano sa pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kaya hindi itinuloy ng gobyerno ang pagbibigay ng fuel subsidy sa transport sector, gayundin sa mga magsasaka at mangingisda.
Tugon ito ni Palace Press officer Atty. Claire Castro sa pagkadismaya ng ilang transport group sa hindi natuloy na fuel subsidy nitong nakalipas na linggo matapos umakyat ng hanggang limang piso ang itinaas na presyo ng langis na ginawang staggered o utay-utay ng mga kumpanya ng langis.
Paliwanag ni Castro, hindi rin umakyat sa $80 kada bariles ang krudo na siyang basehan para magbigay ng fuel subsidy ang gobyerno.
May mga pagkakataon din aniya na hindi agad makapagdesisyon ang gobyerno dahil nakadepende ito sa kasalukuyang sitwasyon tulad ng nangyari sa Israel at Iran na humupa bago pa man maikasa ang fuel subsidy.
“Sa kasalukuyan kasi ay umabot lamang sa US$65 to US$68 per barrel ang presyo ng krudo, world market, global market price so hindi agad ito mati-trigger,” ayon pa kay Castro.
Hindi naman aniya ipinagkakait ng gobyerno kung ano ang kailangan ng transport sector basta naaayon ito sa batas at polisiya dahil kasama sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtiyak sa kapakanan ng PUV drivers, operators at transport groups. (Daris Jose)