• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PALASYO KINIKILALA ANG SAKRIPISYO NG MILITAR AT UNIFORMED PERSONNEL SA PAGPAPATUPAD NG DAGDAG NA BASE PAY AT SUBSISTENCE ALLOWANCE

TINIYAK ng pamahalaan na binibigyang-prayoridad ang kapakanan ng military at uniformed personnel (MUP) alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaya naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng PhP21.7 bilyon para sa unang yugto ng kanilang base pay adjustment na nagsimula noong Enero 1, 2026.
Sinabi ni DBM Acting Secretary Rolando Toledo na ang mga pagtaas ng base pay ay pagkilala sa kabayanihan at sakripisyo ng mga sundalo, pulis, bumbero, jail officers, coast guard personnel, at iba pang military at uniformed personnel.
“Kahit pagod, puyat at kahit may pamilyang naiwan sa bahay ay patuloy pa rin ang serbisyo para sa ating Inang Bayan. Alam po namin ang sakripisyo ninyo. Alam namin na walang time-out ang panganib na habang ang bansa ay natutulog, kayo ang gising; habang ang bayan ay ligtas, kayo naman ang nasa unahan ng panganib,” ani Toledo.
“Kaya malinaw po ang mensahe ng Fiscal Year 2026 National Budget – nakikita namin kayo, naririnig namin kayo at hindi namin kayo kailanman kalilimutan at pababayaan,” dagdag pa ni Toledo.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 107 na inilabas noong Disyembre 3, in-update ni Pangulong Marcos ang base pay at tinaasan ang subsistence allowance para sa lahat ng military personnel sa ilalim ng Department of National Defense (DND) at uniformed personnel sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Ayon sa EO, ipatutupad ang base pay adjustment sa tatlong yugto: una nitong Enero 1, 2026; ikalawa sa Enero 1, 2027; at ikatlo sa Enero 1, 2028.
Mula sa PhP21.7 bilyon na inilaan para sa unang tranche ng base pay adjustment, PhP15.4 bilyon ang nakalaan para sa mga MUP na nasa aktibong serbisyo, habang PhP6.3 bilyon naman ang para sa pension obligations.
Samantala, sinabi ng DBM na PhP71.1 bilyon ang inilaan para sa pagtaas ng subsistence allowance sa PhP350 kada araw, epektibo noong Enero 1, 2026.
“Alam po namin na ang pagtaas ng subsistence allowance ng ating mga MUPs ay hindi luho, hindi pabor kung hindi isang matinding pagkilala – pagkilala na ang lakas ng loob ay kailangang may sapat na lakas ng katawan at pagkilalang ang nagbabantay sa bayan ay dapat may sapat na pagkain at nutrisyon sa araw-araw,” ani Toledo.
Dagdag pa ng DBM, PhP4.06 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa 10,077 bagong posisyon para sa MUP.
“Ang mga posisyong ito ay hindi basta numero, ito ay karagdagang kamay, karagdagang lakas at karagdagang proteksyon para sa bayan. Alam po naming hindi nasusukat sa pera ang serbisyo ninyo pero tungkulin ng gobyerno na siguraduhing hindi kayo napapabayaan at ang sakripisyo ninyo ay may malinaw na pagtanaw ng pasasalamat,” pahayag ni Toledo.
Tiniyak ng DBM chief na hindi maaantala ang salary increases at pension o retirement benefits ng mga MUP. Ipinaliwanag niya na ang pondo para sa suweldo at benepisyo ng personnel ay nailipat na sa kani-kanilang ahensya para sa mas angkop at direktang alokasyon ng budget. ( Daris Jose)