• May 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pahayag ni Aplasca na ‘spliced’ ang CCTV footage, pinalagan ni DILG Sec. Remulla

PINALAGAN ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ‘spliced’ ang CCTV footage na ipinresenta ng una kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr at sa publiko kaugnay sa sinasabing di umano’y pag-atake sa Senado noong May 13,2026.

“No, not at all. May time-stamped naman lahat. So, it couldn’t have been spliced. Those were direct from CCTV cameras of the Senate, their servers. And, hindi puwede spliced ‘yun dahil may time -stamped din siya,” ani Remulla.

Sa kabilang dako, tila ipinamukha ng Malakanyang kay Aplasca na hindi spliced’ o pinutol-putol ang mga iprinisentang CCTV footage na ipinakita ng Department of Interior and Local Government (DILG) para palabasing walang naganap na pag-atake sa Senado.

“Ang nai-present po sa briefing, yan po ay galing mismo rin sa Senado. So, kung ano po, kung ano pang ebidensya na meron sila, kakailanganin po yan ng DILG ng DOJ at ng Ombudsman para makita natin ang buong katotohanan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Sa ulat, sinabi ni Aplasca na ‘spliced’ ang mga iprinisentang CCTV footage para palabasin at paboran ang naratibo na walang naganap na pag-atake.

Nauna na ngang ipinakita ni CIDG director Maj. Gen. Robert Morico II ang sipi ng security footage kung saan makikitang si Aplasca ang nagpakawala ng unang warning shot bago gumanti ng putok ang NBI agent. ( DARIS JOSE)