• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:08 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagsuway sa utos ng Napolcom, dahilan ng pagkakasibak ni Torre mula sa PNP top post

INAMIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinibak niya sa tungkulin si Gen. Nicolas Torre III bilang Philippine National Police (PNP) chief matapos itong tumanggi na sumunod sa kautusan ng National Police Commission (Napolcom) na i-reverse ang reassignment ng mga senior officials.
“He did not agree with the directives that were coming out of Napolcom,” ang sinabi ni Pangulong Marcos nang tanungin kung ano talaga ang dahilan ng pagkakasibak sa puwesto ni Torre.
Sinabi ng Pangulo na makailang ulit na niyang kinausap si Torre ukol sa kautusan ng Napolcom, subalit hindi aniya sumunod ang huli.
Binigyang diin ng Pangulo ang “very clear” chain of command, sabay sabing “a civilian authority is the overwinning authority when it comes to the police.”
“Because the police [force] is technically a civilian organization, and Napolcom is the civilian authority that has the authority to monitor and to [oversee it]. It has powers — very specific powers in terms of the appointments, and that’s why they disagreed,” ang winika ng Pangulo.
“But you know, we had many discussions about it beforehand. Hindi lang daw talaga niya magawa. So, sabi ko eh wala tayong magagawa kung ganoon ang sitwasyon,” aniya pa rin.
Matatandaang noong Agosto 6, ay may utos na direktiba mula kay Torre na nagtalaga kay Nartatez bilang commander ng APC Western Mindanao at si Banac bilang deputy chief for administration, ang pangalawang pinakamataas na posisyon ng PNP.
Bagama’t hindi nila tahasang binanggit ang kautusan ng Napolcom, lahat ng 18 PNP regional chiefs ay pumirma sa isang manifesto ng suporta para sa “line of authority” at para kay Torre.
Sa pag-uutos sa PNP na bawiin ang mga naunang reshuffle ng mga tauhan nito, binanggit ng Napolcom ang awtoridad nitong magsagawa ng administrative control at operational supervision sa PNP sa ilalim ng Republic Act 6975, o ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Act.
Binanggit pa nito na, habang binibigyan ng RA 6975 ang PNP chief ng awtoridad na idirekta ang deployment ng mga tauhan, tinukoy din ng batas ang “administrative control” ng Napolcom kabilang ang kapangyarihang suriin, aprubahan, baligtarin, o baguhin ang mga planong may kinalaman sa mga tauhan.
Binanggit din ng Napolcom ang Resolution 2022-473 nito, na nagsasabing kailangan munang ipasuri ng PNP ang paglalagay ng mga opisyal sa third-level positions at kumpirmahin ng commission en banc.
Sa kabila ng naunang paalala mula sa Napolcom tungkol sa awtoridad nito sa mga senior assignment, nagpatuloy si Torre sa pag-aayos nito. Ngayon, ibinabalik ng komisyon ang lahat, tinatarget ang 13 matataas na pulis, kabilang si PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., PLt. Gen. Bernard Banac, at PMaj. Heneral Robert Alexander Morico II.
Hindi lang na-recall ng Napolcom ang mga utos, inutusan din nito ang PNP na maibalik ang dating setup nito.
Sa ilalim ng RA 6975, o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990, na sinususugan ng RA 8551 (PNP Reform and Reorganization Act of 1998), ang PNP chief ay may awtoridad na magtalaga ng mga tauhan sa mga posisyon sa ikatlong antas—na napapailalim sa pangkalahatang mga alituntunin at pangangasiwa ng Napolcom.
Samantala, sa pang-apat na episode ng kanyang podcast, nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi nawala ang kanyang tiwala at kumpiyansa kay Torre, sa katunayan, inilarawan niya si Torre bilang “good commander [who] was protecting his people.”
“He did such a [good job]. Ang galing niyang pulis,” ang sinabi ng Pangulo.
Inamin ni Pangulong Marcos na balak niyang alukin si Torre ng bagong government post subalit tumanggi naman siya (Pangulo) na sabihin kung anong posisyon ito.
“We’ll find a way to avail of his talents,” aniya sabay sabing “Let me tell him first. Abangan ang mga susunod na kabanata.” ( Daris Jose)