• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagsibak sa 18 PNP officials, ipatutupad na

TULUYAN  nang sisibakin sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) ang 18 opisyal na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang courtesy resignation matapos na masangkot sa P6.7 bilyong illegal drug trade noong nakaraang taon.

 

 

Ayon kay PNP chief PGen. Benjamin Acorda, ang pagsibak sa mga ito ay alinsunod sa kanyang pakiki­pagpulong sa Pangulong Marcos.

 

 

Sinabi ni Acorda na bahagyang naantala ang pagsibak dahil kailangan pang linawin sa Pangulo kung serbisyo o puwesto lamang aalisin ang mga sangkot na opisyal.

 

 

Nabatid na mismong ang Pangulo ang nag-abot sa kanya ng mga pirmadong dokumento para agad na matanggal sa serbisyo ang mga naturang opisyal.

 

 

Dahil may lagda na ng Pangulo ay tuluyan nang aalisin sa serbisyo ang 18 mga pulis kung saan limitadong benepisyo lamang ang kanilang matatanggap, ani Acorda.

 

 

Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay tinanggap ni BBM ang pagbibitiw ng 18 police brigadier generals at colonels batay sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group na nagsagawa ng imbestigasyon.

 

 

Ito’y matapos ihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na kanyang tatanggapin ang resignation ng mga tiwa­ling law enforcer at iba pang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

 

 

Sa 954 pulis na inimbestigahan, hinimok ng grupo si Pangulong Marcos na tanggapin ang pagbibitiw ng 18 police officers. (Daris Jose)