• February 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagsertipika sa anti-political dynasty bill bilang urgent, posible- Malakanyang

POSIBLENG isertipika bilang urgent ang anti-political dynasty bill lalo pa’t natuwa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa naging hakbang ng Kongreso na magsagawa ng nationwide public consultations ukol sa panukalang batas na nagbabawal na sa political dynasty.
“Natuwa po ang Pangulo dahil ang nais po ng Pangulo ay maisabatas po ang nasabing bill, anti-political dynasty bill, dahil iyan din po ang nais ng ating mga kababayan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, umarangkada na kasi, araw ng Huwebes, Pebrero 12 ang public consultations ng House Committee on Electoral Reforms and Suffrage kaugnay ng mga panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Ang unang konsultasyon ay ginaganap sa Carsigma Gym sa Carmona, Cavite, na dinadaluhan ng tinatayang 1,500 kinatawan mula sa mga opisyal ng barangay, non-government organizations, sektor ng kabataan, at iba pang grupo.
Pinamumunuan ang konsultasyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairman ng komite.
“Kapag po naibigay na po iyong version ng dalawang Kongreso para po malaman kung dapat po ba itong i-certify as urgent dahil depende po iyan sa provision, makakaasa po kayo diyan,” ang sinabi ni Castro.
Matatandaang, hinikayat ni Pangulong Marcos ang Kongreso na gawing prayoridad ang pagtalakay sa Anti-Dynasty bill.
Hiniling ng Pangulo sa Kongreso na mas mabu­ting unahing busisiing talakayin ng mga mambabatas ang nasabing panukalang batas at kaagad itong ipasa. (Daris Jose)