Pagpirma ni PBBM sa Republic Act (RA) No. 12315 na pinalawig ang mandato ng EDCOM II, pinapurihan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III
- Published on March 9, 2026
- by @peoplesbalita
PINAPURIHAN ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapalawig ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na aniya ay tuluyang matutustusan ang mga major reforms sa ikauunlad ng Philippine education system sa mga susunod na taon.
Pinirmahan ni Pangulong Marcos ang Republic Act (RA) No. 12315 na pinalawig ang mandato ng EDCOM II mula sa inisyal nitong tatlong taon dagdag ng dalawang taon para matustusan ang research, consultations at oversight ng mga education reforms.
“Ang paglagda ng Pangulo sa panukalang magpapalawig sa EDCOM II ay malinaw na patunay ng iisang paninindigan ng Kongreso at ng administrasyon: seryoso tayo sa reporma sa edukasyon,” pahayag ni Dy.
Sinabi pa ni Dy na ang extension ay pagpapatibay ng mga reporma sa sektor ng edukasyon.
“Hindi ito simpleng extension. Isa itong malinaw na mensahe na ang mga repormang sinimulan ay kailangang tapusin, palalimin, at tiyaking may pangmatagalang epekto sa buhay ng ating mga mag-aaral, guro, at pamilya,” ani Dy.
Sinabi ni Dy na ipinapakita ng Kongreso ang determinasyon, hindi lamang sa pagbabalangkas ng batas, kundi pati sa pondo, sa pagbibigay ng pinakamalaking badyet na ₱1.3 trillion sa edukasyon, sa kasaysayan ng bansa.
“Dahil naniniwala tayo na ang tunay na puhunan ng bayan ay ang edukadong Pilipino. Sa EDCOM II, sinisiguro nating ang mga desisyon sa edukasyon ay batay sa datos, karanasan, at aktwal na pangangailangan sa buong bansa. Ito ang tamang hakbang, sa tamang panahon, para sa kinabukasan ng ating kabataan,” sinabi ni Dy.
(Vina de Guzman)