Pagpasa sa panukalang digitalization ng public school system, pinamamadali
- Published on January 4, 2025
- by Peoples Balita

NANAWAGAN ang isang mambabatas sa agarang pagpasa sa panukalang paglalaan ng inisyal na P500 milyong investment ng gobyerno para sa digital transformation ng public school system sa bansa.
Ayon kay Representative Brian Raymund Yamsuan, isinusulong ng House Bill 276 o Institutionalization of Digital Technology in Public Education Act ang modernisasyon at transpormasyon sa paggamit ng makabagong teknolohiya bilang bahagi ng pagtuturo sa public schools.
“In the last pandemic, digital technology was used as a crisis management tool to ensure that most students were able to continue learning even when lockdowns and other health protocols were in place. But today, even without a crisis, digital technology has proven to be a must in facilitating learning inside and outside the classroom,” ani Yamsuan.
Sinabi ng mambabatas, hindi tulad sa mga pribadong paralan na agad makakalipat ang mga estudyante sa paggamit ng online classes tuwing may malakas na bagyo, pagbaha at iba pang emergencies, kadalasang napipilitan ang mga public school students na dumalo sa mga makeup classes o paggamit ng modules kapag suspendido ang face-to-face classes.
Sa panibago aniyang guidelines na ipinalabas ng Department of Education (DepEd) sa class suspensions, kailangang mag-invest sa digital technology sa public schools.
Nakapaloob sa revised guidelines ng Deped sa class suspensions, ang face-to face classes sa public schools sa lugar na inilagay sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ay otomatikong suspendido para sa mga Kindergarten.
Habang ang face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Grade 10 ay automatically suspended tuwing TCWS Signal No. 2, kung saan ang estudyante ay magsasagawa ng klase sa online o modular distance learning, performance tasks, projects o makeup classes para masiguro na tuloy ang pag-aaral ng mga ito.
Samantalang ang klase at trabaho sa lahat ng levels sa ilalim ng TCWS No. 3 pataas ay suspendido.
Gayundin ang pagpapatupad ng distance learning sa ganitong sitwasyon.
“Institutionalizing the use of digital technology in our public school system will help promote inclusive learning as this will increase the access of marginalized communities to quality education via the Internet. Digitalization will also ensure that our students are future-ready and globally competitive,” pahayag nito.
Sa ilalim ng panukala, maglalaan ng P500 milyon bilang initial operating fund para sa pagpapatupad ng panukala. (Vina de Guzman)