• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 10:58 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagpasa ng panukalang mag-a-upgrade sa provincial hospital sa Danao City, panawagan ng mambabatas 

PARA sa mas mahusay na pangangalagang pangkalusugan sa Northern Cebu, nanawagan ng suporta si Rep. Duke Frasco mula sa Cebu Provincial Government para sa pagpasa ng panukalang mag-a-upgrade sa provincial hospital sa Danao City.
Bukod sa provincial government, umapela rin ng suporta ang mambabatas kay Cebu Governor Pam Baricuatro para sa pagpasa ng House Bill No. 3313 o “An Act Upgrading the Cebu Provincial Hospital in the City of Danao, Province of Cebu, Into a Level II General Hospital to be Known as the North Cebu Medical Center, Increasing its Bed Capacity, Upgrading its Professional Health Care Services and Facilities, Authorizing the Increase of its Medical Personnel, and Appropriating Funds Therefor.”
Layon ng panukala na makapagbigay ng mas mahusay na healthcare access at serbisyong pangkalusugan hindi lamang para sa District 5, kundi sa lahat ng munisipalidad ng Northern Cebu.
Ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon at imprastraktura ang nananatiling pangunahing prayoridad ng mambabatas. Sa pamamagitan ng HB No. 3313, ay layon nitong maipamahagi ang health services partikular na sa liblib at malalayong lugar kung saan kulang ang access sa specialized care.
Una nang inihain ng mambabatas ang panukala noong18th Congress o Disyembre 16, 2020 blilang House Bill No. 8275 subalit dala na rin sa pandemya at kakulangan ng panahon ay hindi ito naipasa. Noong 19th, Hunyo 30, 2022 ay muling inihain ng kongresista ang House Bill No. 107. Sa kabila na naitakda para sa deliberasyon sa komite ay nanatili itong nakabinbin habang hinihintay ang pagpasa ng provincial board resolution mula sa Cebu Provincial Board bilang suporta sa panukala. Ang kawalan ng nasabing endorsement ay may malaking epekto sa deliberasyon ng komite sa panukala.
Ngayong nasa ikatlong termino, muling inihain ni Frasco ang panukala sa ika-20th Congress.
Umaasa ito na maire-refer ito sa Committee on Health at makakuha ng suporta mula sa provincial government.
Kapag ganap na naging batas, mai-institutionalize ng panukala ang provincial hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH), kung saan makakakuha ito ng direct funding mula sa national government. Maaalis sa Cebu Provincial Government ang financial responsibility para sa operasyon ng ospital at magagawang mai-redirect ang resources nito sa ibang programa at serbisyo.
Ani Frasco, “this is not just about improving the hospital, it is about investing in the future of healthcare for my constituents, while also being fiscally prudent.”
Isinusulong din sa panukala na matugunan ang problema sa overcrowding sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City, isang tertiary-level hospital na naninilbihan sa mga pasyente mula sa buong probinsiya at kalapit na rehiyon. Dala na rin sa lumalagpas na sa kapasidad ng operasyon ang VSMMC ang pag-upgrade sa Danao hospital ay makakatulong sa pagbibigay ng serbisyo sa norte.
“By establishing a fully capable Level II hospital in Northern Cebu, we will help decongest VSMMC and ensure that patients from distant municipalities will not have to travel far just to get life-saving treatment,” pagtatapos ni Frasco.
(Vina de Guzman)