PAGPAPAWALANG SALA KAY TEVES, KINUWESTIYON NG DOJ
- Published on February 10, 2026
- by @peoplesbalita
KINUWESTIYON ng Department of Justice ang naging desisyon ng korte na nagpapawalang -sala kay dating Negros Oriental Rep Arnolfo “Arnie” Teves matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 15 ang kasong murder laban dito kaugnay sa pagpatay noong 2019.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang inisyung ‘acquittal’ o pagpapawalang-sala ng korte sa dating mambabatas ay bunsod sa sinasabing hindi umano sapat ang ebidensya laban sa dito.
Sinabi ni Fadullon na pati ang pagkakaroon ng isang testigo na nagtuturo sa mambabatas bilang mastermind sa pagpatay kay dating Negros Oriental Provincial board member Miguel Lopez Dungog ay posibleng dahilan kung bakit ibinasura ang kaso.
Sinabi ni Fadullon na kukwestyunin nila ito at pag-aaralan ang mosyon na isusumite, magsisilbing sagot o remedyo sa pasya ng husgado.
Partikular aniyang ihahain ng prosekusyon ang ‘motion for reconsideration’ upang muling mapabalikan sa korte ang kasong murder kontra sa dating mambabatas.
Sa kabila ng pagkakabasura sa isang kasong kinakaharap ng dating mambabatas, hindi pa rin ito makalalaya sapagkat patung-patong na mga kaso ang nakabinbin pa sa korte.
Ang iba pang kaso na kasalukuyang kinakaharap ng dating mambabatas ay kabilang ang mga sumusunod:
– 10 counts of murder sa Manila RTC Branch 51
– 13 counts of frustrated murder sa Manila RTC Branch 51
– 4 counts of attempted murder sa Manila RTC Branch 51
– 1 count of murder sa Manila RTC Branch 12
– 1 count of murder sa Bayawan RTC Branch 63
– Illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12
– Violation of the Terrorist Financing Prevention and Suppression Act sa Quezon City RTC Branch 77 . (Gene Adsuara)