• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:43 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagpapalit ng liderato ng Senado, hindi nakaaalarma, hindi makadidiskaril sa mga admin bills- Malakanyang

MINALIIT ng Malakanyang ang napapabalitang may panibagong posibleng pagpapalit ng liderato sa Senado.

Ang katwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang nakikitang dahilan ang Malakanyang para mag-alala at kumpiyansa na ang Senado ay mananatiling stable at nakatuon sa pagsisilbi sa publiko.

Sinabi ni Castro na ang napaulat na usap-usapan sa Senado ay bahagi ng democratic processes sa loob ng institusyon.

“According to Senate President Tito Sotto, stable naman po ang nangyayari sa Senado at nag-e-express lamang po sila ng kanilang mga damdamin at karapatan naman po nilang pumili kung sino iyong nararapat na maging leader or mamuno sa kanila,” ayon kay Castro.

“So, may freedom of expression sila, may democracy sila sa loob ng Senado – so, hindi naman po siya alarming,” aniya pa rin.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Castro na anuman ang mangyari sa pagbabago sa liderato, ipagpapatuloy ng mga senador na iprayoridad ang mga batas na kapaki-pakinabang sa mga mamamayang Filipino.

Sa ulat, may panibago na namang pagbabago sa liderato ng Senado na lumutang may ilang linggo matapos ang kamakailan na reorganization, dahilan para mapalitan ang mga bagong committee heads at realignment ng mga alyansa sa hanay ng mga senador.

Pinananatili naman ng Malakanyang ang paggalang sa independence ng legislative branch at tiwala sa mga mambabatas na ipagpapatuloy na makatrabaho ang ehekutibo para magpasa ng batas na magsusulong ng development agenda ng administrasyon.
(Daris Jose)