• February 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagpapalit kay Frasco, hindi pinag-uusapan- Malakanyang

SINABI ng Malakanyang na hindi pinag-uusapan kung papalitan sa puwesto si Tourism Secretary Christina Frasco sa gitna ng pambabatikos laban sa kanya.
Si Frasco ay inakusahan na ginamit ang government-funded tourism programs para sa di umano’y “self-promotion.”
Tinanong kasi si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang ipapalit nina Pangulong Ferdinand marcos Jr., kay Frasco bilang pinuno ng Department of Tourism
”As of now, wala pong pinag-uusapan na ganyan,” ang winika ni Castro.
Nauna nang sinabi ni Castro na walang rigodon na magaganap sa Gabinete ni Pangulong Marcos.
Napaulat na pinuna ni Senator Raffy Tulfo nitong Martes si Frasco sa umano’y pagpapakita ng sarili sa halip na mga destinasyon sa ilang promotional materials ng turismo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, ipinakita ni Tulfo ang mga slides ng magazine at iba pang materyales kung saan tampok ang larawan ni Frasco.
I’m very sorry, Secretary Frasco. Parang lumilitaw na parang nagiging vlogger na kayo… It will not sell if the marketing materials are filled with your face. It shouldn’t happen,” ani Tulfo.
Tinukoy niya ang isang magazine sa Japan bilang “missed opportunity” para i-promote ang Philippine tourism, dahil sa halip na destinasyon, si Frasco ang nakitang tampok sa materyal, kahit sa groundbreaking ceremonies.
Ayon kay Tulfo, nakatanggap siya ng reklamo na parang ginagamit ni Frasco ang tourism materials para sa self-promotion.
Binigyang-diin niya na dapat nakatuon ang DOT sa pagpapakita ng mga destinasyon, pagkain, wellness, at kulturang Pilipino kaysa sa personalidad.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Frasco na wala siyang pahintulot sa paggamit ng kanyang larawan sa magazine at walang pondo ng gobyerno ang ginamit.
“My understanding is that the photo used on the cover was lifted from the coverage of a particular event, and the contents of the magazine were all lifted materials… I have no national ambition and I am not running for any national position in 2028,” paliwanag niya.
Nilinaw ni Tulfo na hindi niya sinasabing tatakbo si Frasco sa halalan, kundi ipinapahayag lamang na napapansin ng publiko ang tila self-promotion, na hindi naman nakikita sa mga promotional materials ng turismo sa ibang bansa tulad ng Vietnam, Korea, Malaysia, at Japan.
(Daris Jose)