Pagpapaliban sa 2025 BSKE, ipinadedeklarang ‘unconstitutional’ sa SC
- Published on August 18, 2025
- by @peoplesbalita
NAIS ng isang abogado na maideklarang ‘unconstitutional’ o labag sa Saligang Batas ang bagong batas na nagpapaliban sa December 1Barangay and Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.
Dumulog ang election lawyer na si Romulo Macalintal sa Korte Suprema kahapon at naghain ng 34-pahinang petition for certiorari and prohibition upang hilingin sa Mataas na Hukuman na maideklarang unconstitutional ang Republic Act 12232 dahil sa pag-aantala nito ng halalan.
Giit niya, ito ay paglabag sa right to suffrage ng mga mamamayan.
Hiniling din ng abogado sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order (TRO) and/ or status quo ante order na nag-aatas sa mga respondents na itigil ang pagpapatupad sa naturang bagong batas, na nilagdaan kamakailan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Umapela rin siya sa Mataas na Tribunal na atasan ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang paghahanda para sa BSKE na ang orihinal na iskedyul ay sa Disyembre 1, 2025.
Kabilang sa mga respondents sa petisyon ang Senate of the Philippines, House of Representatives, Office of the President, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, at ang Comelec.
Samantala, sa panig ng Comelec, sinabi ni Chairman George Garcia na ang maagang paghahain ng petisyon ay welcome sa kanila upang kaagad na matukoy kung matutuloy o hindi ang halalan.
“Early filing of petition means early determination whether to proceed or not with our preparations,” ani Garcia.
( Daris Jose)