Pagpapaliban ng barangay, SK elections, niratipikahan
- Published on September 30, 2022
- by @peoplesbalita
NIRATIPIKAHAN na ng Kamara ang bicameral conference committee report kaugnay sa pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, na nakatakdang gawin ngayong Disyembre.
Sa inaprubahang bersyon ng Bicam ay sa huling Lunes ng Oktubre 2023 idaraos ang Barangay at SK elections kung saan ang mga mananalo sa naturang eleksyon ay manunungkulan sa November 30, 2023.
Mananatili muna ang mga kasalukuyang mga opisyal ng barangay sa puwesto habang hindi pa naisasagawa ang halalan, maliban na lamang kung masususpinde o maaalis sila sa posisyson.
Matapos ang halalan sa Oktubre 2023 ay idaraos na kada tatlong taon ang Barangay at SK elections.
Para naman sa usapin ng pondo na gagamitin, kukunin ito sa alokasyon ng Commission on Elections (Comelec), sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) o magpasa at mag-apruba ng supplementary appropriations ang Kamara. (Ara Romero)