Pagpapalawig sa paid leave, isinulong ng mambabatas
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
ISANG panukalang batas para palawakin ang bayad na leave para sa mga manggagawang Pilipino ang isinulong kasunod ng mga ulat ng palala at palalang stress sa mga propesyunal sa at bumababang produktibidad dahil sa kakulangan ng balanse sa trabaho at buhay.
“Marami sa mga manggagawa ngayon ang sobra ang trabaho at kulang sa pahinga, kaya naaapektuhan ang kanilang kalusugan, trabaho, at oras para sa pamilya,” pahayag ni Cong. Nat Oducado ng 1Tahanan Partylist, awtor ng panukalang batas.
Ayon aniya, sa isang pag-aaral ng DOLE-ILS, 72% ng mga manggagawang Pilipino ang nakakaranas ng stress, at nananatiling mataas ang antas ng stress nitong mga nakaraang taon, na patunay na maraming empleyado ang napapagod at kulang sa pahinga.
Ang HB 8741 o “Service Incentive Leave Act of 2026,” ay naglalayong dagdagan ang taunang service incentive leave (SIL) mula limang (5) araw na may bayad, gawing sampung (10) araw para sa mga empleyadong nakapagtrabaho na ng hindi bababa sa isang taon.
“Sa panukalang ito, masisiguro na may sapat na oras ang mga manggagawa para magpahinga at maalagaan ang kanilang sarili at pamilya,” dagdag ni Oducado.
Pinapayagan din ng panukala na hanggang limang (5) hindi nagamit na leave lang ang maaaring gawing pera. Mananatili rin ang mga exemption para sa mga kumpanyang nagbibigay na ng kapareho o mas magagandang benepisyo, at para sa maliliit o kapos sa pondo na negosyo.
“Ito ay praktikal at makataong solusyon na sumusuporta sa mga manggagawa nang hindi masyadong nagpapabigat sa mga employer,” sabi ni Oducado.
(Vina de Guzman)