• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PAGGUNITA NG SEMANA SANTA, GAWING SIMPLE

HINIMOK ng Archdiocese of Davao ang mga Katolikong mananampalataya na gawing simple ang paggunita sa Semana Santa .

Sa gitna ng pandaigdigang alalahanin dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan, pinaalalahanan ang publiko na magplano lamang ng mahahalagang biyahe ngayong Semana Santa.

Inirekomenda rin ang carpooling o pag-commute upang makatipid at mabawasan ang konsumo ng gasolina.

Sinabi ng mga lider ng simbahan na hindi kailangang bumisita sa maraming simbahan para sa tradisyunal na Visita Iglesia tuwing Huwebes Santo. Sapat na ang pagbisita sa isa o dalawang simbahan.

Bilang paghahanda sa Biyernes Santo, nagsagawa ng cleanup drive ang mga tauhan ng Davao City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Way of the Cross sa Shrine Hills, Matina, kung saan maraming deboto ang inaasahang dadalo.
Magtitipon ang mga deboto simula 4 ng umaga sa unang istasyon sa GSIS para sa taunang pilgrimage sa Shrine Hills. Magkakaroon din ng kumpisalan mula 9 ng umaga hanggang 12 ng tanghali sa Crucifix Chapel sa loob ng compound ng shrine.
Sa aspeto ng seguridad, nagpatupad ang Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Blue Alert status para sa Semana Santa.
Kasama rito ang monitoring ng mga aktibidad, pagtiyak na gumagana ang communication systems, at pagpo-posisyon ng response teams, medical personnel, at kagamitan para sa mga insidente o emergency.
Tiniyak din ng Police Regional Office-Davao (PRO-11) ang mas pinaigting na seguridad sa mga lugar na dinarayo ng publiko.
(Gene Adsuara)