Paggamit ng sinasabing “Blue Ribbon Committee” bilang plataporma umano ng political demolition jobs, kinondena ng Makabayan bloc
- Published on June 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINONDENA ng Makabayan bloc ang paggamit ng sinasabing “Blue Ribbon Committee” hearing bilang plataporma umano ng political demolition jobs, alang batayang akusasyon at gawa-gawang naratibo laban sa mga progresibong lider at dating representante ng Makabayan.
Ayon kina Rep. Sarah Elago, Rep. Antonio Tinio at Rep. Renee Co, sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado, nakababahala anila na may mga pagdinig na itinutulak sa ilalim ng kaduda-dudang awtoridad at pagkatapos ay ginagamit upang magpakalat ng mga alegasyong walang sapat na ebidensya.
“Kahiya-hiya sa mamamayan ang isang hearing na batbat ng tsismis, haka-haka, at pampulitikang agenda. Ang ipinresentang “ebidensya” ay hindi ebidensya kundi puro kuwento, insinuation, at tahasang kasinungalingan. Lalong nawawalan ng kredibilidad ang mga tinaguriang testigo dahil kitang-kita ang pagbabago ng kanilang script depende sa umiiral na pampulitikang alyansa. Pabagu-bago ang mga kasinungalingan depende sa kung sino ang kakampi at sino ang kalaban sa kasalukuyang agawan sa kapangyarihan. May mga pangalang nawawala at may mga bagong pangalang lumilitaw depende sa pangangailangan. Ito ang pinakamalinaw na patunay na maruming pamumulitika ang nagaganap. Weather-weather ang kanilang mga akusasyon. Hindi ito seryosong imbestigasyon kundi isang demolition job na nakabalot sa anyo ng Senate hearing,” saad sa statement ng mga mambabatas.
Muli ring pinabulaanan ng mga kongresista ang anumang pagtatangkang iugnay ang Makabayan sa flood control scandal.
Anila, walang flood control projects, infrastructure allocations, o project insertions ang Makabayan, kaya wala ring anumang kickback na maaaring matanggap.
“The Senate should get its house in order. Ang mga pasilidad at pondo ng bayan ay hindi dapat ginagamit para sa mga bogus na hearing, bogus na testigo, at bogus na ebidensya,” dagdag pa.
Inihayag pa na hindi papayag ang Makabayan bloc na matakot o maalarma ng mga gawa-gaang alegasyon, political harassment, o smear campaigns.
Patuloy anila nilang igigiit ang katotohanan at pananagutan habang naninindigan kasama ng mamamayan laban sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan. (Vina de Guzman)