• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbibigay ng ayuda sa mahihirap mas maganda kaysa pagnanakaw ng pera ng bayan

PINANDIGAN ng Kamara ang suporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na binabatikos dahil sa pagtulong sa mahihirap.

Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, ang pagtulong sa mahihirap ay hindi kailanman dapat ikahiya.

“Kung ang pagtulong sa nagugutom at maysakit ay kalokohan para sa ilan, mas gugustuhin pa naming matawag na ‘Tambaloslos’—kaysa matawag na ‘kawatan’ dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” pahayag nito.

Nilinaw ni Abante na ang tulong na ipina-aabot sa mga indigent na pinoy ay ipina-aabot ay dumaan sa malinaw na proseso, dokumentasyon at direkta sa mga benepisaryo.

“May resibo, may proseso, may diretsong patutunguhan. Hindi ito isinusubo sa personal na bank account,” sabi pa ni Abante.

Habang ang iba aniya ay abala sa pag-iikot abroad, sa media appearances, at tila maagang kampanya, si Speaker Romualdez ay patuloy na nagtatrabaho — naghahain ng batas, nagbabantay ng pondo, at nagdadala ng tulong sa nangangailangan.

Iginiit pa nito na walang inihayag na plano si Speaker Romualdez para sa 2028, o naghahabol ng media mileage o viral popularity.

Kinuwestiyon din nito ang motibong pulitikal sa pag-atake laban sa Speaker.

“Hindi ba kayo nagtataka kung bakit pinupuntirya si Speaker, gayong wala naman sa survey para sa 2028? Baka ginagamit lang siya para mang-intriga, manira, at makuha ang atensyon ng publiko,” dagdag ni Abante.

Mensahe nito sa mga kritiko, “Habang abala kayo sa pagpapatawa at paninira, kami po ay abala sa trabaho. Tahimik man kami — hindi kami bulag. At hindi kami pipikit sa harap ng katiwalian. Trabaho, hindi drama.” (Vina de Guzman)