Pagbibigay ng 50% fare discount sa mga senior citizens at PWDs sa LRT at MRT ni PBBM pinapurihan ni Leyte Rep. Romualdez
- Published on July 19, 2025
- by @peoplesbalita
PINAPURIHAN ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang ginawang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na pagbibigay ng 50% fare discount sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa Light Rail Transit Lines 1 at 2 at Metro Rail Transit Line 3.
Inilunsad ng President ang inisyatibo sa isang seremonya sa MRT-3 Santolan-Annapolis station nitong Miyerkules. Bukod sa dagdag diskuwento para sa matatanda at PWDs, una nitong inatasan ang Department of Transportation (DOTr) na taasan ang student fare discounts mula 20% sa 50%.
“Batid natin ang araw-araw na hirap ng mga mananakay sa pagbiyahe papunta at pauwi sa kanilang mga trabaho, paaralan at tahanan. Katungkulan naming mga kawani ng pamahalaan na padaliin ang kanilang biyahe, hindi lamang sa mas mabilis at kumportableng mga sasakyan, kung hindi sa pagbaba ng kanilang binabayarang pamasahe,” anang mambabatas.
Nagpayahag din suporta si Romualdez sa pagsusumikap ng administrasyon na pagandahin pa ang sektor ng transportasyon.
“Patuloy nating isusulong ang interes at kapakanan ng ating mga mananakay sa pagbukas ng 20th Congress. Sisiguruhin natin na ang pagpapalawig ng mga fare discounts at iba pang mga benepisyo para sa ating mga commuters ay may kaakibat na sapat na pondo,” pagtatapos ni Romualdez. (Vina de Guzman)