• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbasura sa impeachment complaint laban kay PBBM, inaprubahan ng House of Representatives

INAPRUBAHAN ng House of Representatives Committee on Justice nitong Lunes ang panel report at resolution sa pagbasura sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa botong 39 – 4 – 0, tuluyang ibinasura ng House Committee on Justice sa pangunguna ni Batangas second district Rep. Gerville Luistro ang impeachment complaint laban sa Pangulo sa kawalan sapat na ebidensiya.
Batay sa isa sa dalawang impeachment complaint na inindorso ng Makabayan Bloc ng mga mambabatas, inakusahan ang Pangulo na nakinabang sa mga flood control projects ng kanyang mga kaalyado.
Kabilang din ang alegasyon na pinakidnap umano ng Pangulong Marcos si dating pangulong Rodrigo Duterte upang iharap sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands sa sakdal na crimes against humanity.
Ayon kay Luistro, napagbotohan ng mga miyembro ng komite nung nakaraang pagdinig na ibasura ang parehon reklamo sa kawalan ng saysay o ebidensiya na nagpapatibay sa mga paratang laban sa Pangulo.
Ang pagbasura ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ay naganap dalawang araw bago dumating ang dalawang magkasunod na reklamo laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Batay sa Saligang Batas, ang impeachment sa House ay nangangahulugan na magkakaroon ng trial sa Senado kung saan ang napatalsik na opisyal na hindi na maaring bumalik at manungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno.
(Vina de Guzman)